MANILA, Philippines - Away sa kanilang relasyon bilang magnobyo ang isa sa motibo para paslangin ang babaeng Chinese national ng kanyang nobyong Koreano kung saan sinagasaan at sinaksak pa sa harapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa Malate, Maynila, may isang linggo na ang nakalipas.
Sa pahayag ni Manila Police District-Homicide Section chief P/Senior Insp. Joey de Ocampo, batay ito sa mga nakalap na impormasyon at sa closed-circuit television camera (CCTV) footage na ipinagkaloob sa kanila ng BSP.
Napanood nila ang footage na makikitang nagtatalo ang magnobyo at tila naghahamon ang biktima na sagasaan siya na ginawa naman ng Koreano.
Matapos sagasaan ay pinagsasaksak sa dibdib at muling
sinagasaan bago tumakas sakay ng itim na Nissan Zefiro na may plakang XAY-741.
Sa pakikipag-ugnayan sa Chinese Embassy, natukoy ang pagkikilanlan ng biktima sa pangalang Zhao Chun Lan ng Mainland, China. Sa beripikasyon sa Land Transportation Office, natukoy naman ang may-ari ng sasakyan na si Ok Jung Kwang ng #7830 Makati Avenue. Subalit ang nagmanehong suspek ay nakilalang si Ghong Shu Yang, 25, kung saan namukhaan sa footage.
Sa salaysay ng mga kaibigan ng biktima, lumilitaw na karelasyon ng biktima ang suspek kung saan nabuntis nito ang babae kaya umuwi sa China para magpa-abort.
Napag-alamang muling nagkita ang dalawa sa bansa kung saan naganap ang krimen. Samantala, sa beripikasyon sa Bureau of Immigration, hindi pa lumalabas ng bansa ang suspek.