MANILA, Philippines - Umapela ang mga residente ng Taguig City sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura na ang kasong electoral sabotage na isinampa ng natalong mayoralty candidate na si Dante Tinga laban sa kanilang alkaldeng si Taguig City Mayor Lani Cayetano dahil na rin sa kawalang basehan nito.
May 1,000 residente ng Taguig City ang nagtungo sa tanggapan ng Comelec noong Biyernes kung saan sinabi nito na hindi sila magsasawa na mag-rally at manawagan upang ibasura na ang election protest gaya ng ginawa ng komisyon sa kaparehas na electoral protest sa bayan ng Cabuyao, Laguna.
Ayon kay Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ni Cayetano, una nang ibinasura ng Comelec ang election protest na isinampa ni Nila Aguillo laban kay Isidro Hemedes, Jr.ng Cabuyao, Laguna, ang naibasurang electoral case umano ni Aguillo ay kaparehas ng mga alegasyon ng protesta na isinampa ng tinalo ni Cayetano sa halalan na si Tinga.
“Umaapela kaming mga Taguigeño sa Comelec en Banc na tingnan ang maliwanag na pagkakapareho ng Cabuyao, Laguna electoral case na ibinasura na ng Comelec.
Kaya nararapat lamang na ibasura na rin ang electoral case sa Taguig,” pahayag pa ni Icay.
“Nang aming datnan ang mga ballot boxes na iningatan ng mga Tinga noong transition period ay sinalbahe na ito. Maraming ballot boxes ang halatang pinakialaman. Meron po kaming mga video at larawan na magpapatunay sa nangyari sa mga ballot box,” dagdag pa ni Atty. Icay.
Mula sa pang-44 sa listahan ng electoral case na hawak ng Comelec ay nagawa itong pang-apat na kung hindi dahil sa maagap na aksyong legal ng kampo ni Mayor Cayetano ay nagtagumpay ang paggamit ng malawak na impluwensiya nito.