MANILA, Philippines - Balik-piitan ang isang kasambahay na lumalason sa mga nagiging amo nito bago pagnakawan matapos itong muling maaresto ng mga awtoridad sa Zamboanga City kamakailan.
Ang suspect na si Anamae Livrado ay kasalukuyan nang nakadetine sa Correctional for Women sa Mandaluyong City.
Ayon kay Atty. Rachel Ruelo, Hepe ng Correctional Institute for Women, si Livrado, na tinaguriang ‘Poison Ivy’ ay nakatakas mula sa naturang pasilidad noong Nobyembre 19, 2011. Muli naman itong naaresto sa Zamboanga City habang nag-aaplay ng pasaporte kamakailan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Ruelo na titiyakin nilang hindi na muli pang makakatakas si Livrado.
Inihiwalay na rin umano ito ng brigade at inilagay sa isolation cell kaya’t kahit pa gaano ito kagaling sa pagtakas ay hindi na umano ito magiging epektibo.
Bago nakapuga, unang naaresto si Livrado noong Hunyo 2008 matapos na lasunin at pagnakawan ang kanyang mga amo subalit makalipas ang liang buwan na paglalagi sa Manila City Jail ay nakatakas ito. Muli itong naaresto noong Abril 7, 2011 ngunit muling nakatakas noong Nobyembre bago muling naaresto.