Kelot nagbigti

MANILA, Philippines - Dahil sa sobrang kalungkutan matapos na mawalan ng trabaho, ipinasya ng isang lalaki na magpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon. Kinilala ang nasawi na si Manuel Osias III, 27, ng Brgy. Escopa 4. Si Osias ay natagpuan na lamang nakabitin sa kisame gamit ang nylon cord na itinali sa kanyang leeg sa isang ginagawang bahay sa may Brgy. Escopa 4, Libis, Project 4 sa lungsod ganap na alas-8:20 ng umaga. Sinasabing natuklasan ang bangkay ng biktima ng kapitbahay na si Teresita Arcega habang nakabitin sa ikalawang palapag ng nasabing bahay. Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima habang nakipag-inuman sa kanyang mga kaibigan ganap na alas 10 ng gabi. Ayon sa nanay ng biktima na si Aling Myrna, masyadong dinamdam ng biktima ang pagkakasibak nito sa trabaho bilang courier nitong nakaraang buwan. Bukod dito, gusto na umano ng biktima na pakasalan ang kanyang kinakasama kung saan mayroon silang isang anak, pero ipinakasal na umano ito ng magulang sa isang hapon na nakadagdag sa kalungkutan nito.

Show comments