36 sugatan sa karambola ng 4 na sasakyan sa EDSA

MANILA, Philippines - May 36 katao ang nasugatan matapos ang karambola ng apat na sasakyan kabilang ang dalawang bus sa lungsod Quezon kamakalawa.

Ayon kay Romeo Ragas, traffic enforcer ng Traffic Sector 3 ng Quezon City Police, ang mga biktima ay nagtamo ng mga pasa at sugat sa mukha at ulo, ga­yundin sa katawan, dahilan para isugod ang mga ito sa East Avenue Medical Center at Labor Hospital para malapatan ng lunas.

Karamihan aniya sa mga sugatan ay pasahero ng Mayami bus line (UVB-203) na umabot sa 25, habang siyam naman sa Roval transport bus (PYH-458) na nakarambola nito, kasama ang sakay ng isang MC kawasaki (3144OQ-) at isang Nissan Sentra (XTT-553).

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na nangyari ang insidente sa kahabaan ng north bound lane partikular sa Gate 3 ng Camp Aguinaldo ganap na alas-9:30 ng gabi.

Sinasabing nag-ugat ang karambola nang sumem­plang ang motorsiklo na minamaneho umano ni Ronald Abangay, angkas ang isang Marjorie Abido habang tinatahak ang nasabing lugar­ matapos na umiwas sa makakasalubong na taxi sa nasabing lugar.

Sa pagbuwal ng motorsiklo ay tiyempong papa­rating ang Roval bus na mina­maneho ni Alejandro Perez at para umiwas sa disgrasya ay bigla itong nag-full stop hanggang sa masapol nito ang Nissan Sentra na mina­maneho ni Adolfo Aran at ang motorsiklo. Nasa ganoon silang kalagayan nang sumulpot naman ang Mayami bus na minamaneho ni Roel Pajares at tumbukin ang huli­hang bahagi ng Roval bus.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang mga sakay ng dalawang bus sa loob na na­ging sanhi para magkasugat- sugat ang mga ito, gayundin ang sakay ng motorsiklo.

Ayon kay Ragas, agad na tumakas ang driver ng Mayami bus at ngayon ay hini­hintay pa rin nilang lumutang sa kanilang tanggapan para sagutin ang mga naperwisyo nito.

Show comments