Trike driver na iniwan ng asawa't anak nagbigti

MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y labis na pangungulila sa kanyang mag-iina na humiwalay sa kanya kung kaya ipinasya ng isang tricycle driver na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Edward Rosas, 27, na nakitang   nakabitin sa kisame ng kanyang tirahan sa Lumibao compound, Boungaville St., Brgy. Pasong Putik sa lungsod.

Ayon kay PO2 Mo­destino Juanson, ang biktima ay natuklasan ng kapatid na si Emelyn habang nakabitin gamit ang taling abaka sa kisame ng kanyang tinutuluyan ganap na alas-7 ng umaga.

Sinasabing bibisi­tahin sana ni Emelyn ang kapatid subalit pagkabukas niya ng pintuan ng bahay nito ay bumulaga sa kanyang harapan ang kalunus-lunos na sitwasyon nito.

Wala namang nakuhang suicide note ang awtoridad na ma­aaring pagbatayan ng kanyang pagpapakamatay maliban sa testimonya ng kapatid na labis daw nitong dinamdam ang pakikipag-hiwalay ng asawa bitbit ang da­lawa nilang anak.

Show comments