MANILA, Philippines - Dalawang umano’y bading na sinasabing nagpasimuno ng gulo at dahilan kaya napatay ang 17-anyos na si Fernando Mendoza Jr. noong Bagong Taon ang isinuko ng kanilang mga magulang sa awtoridad kahapon ng umaga.
Mismong si Manila Vice-Mayor Isko Moreno ang nagdala sa Manila Police District Homicide Section sa mga suspect na sina McEnrie Riomales, 20; at isang Jermin, 15, kapwa residente ng Quiricada St., Sta. Cruz, Maynila, matapos silang ideklarang wanted sa batas dahil sa pagkamatay ni Mendoza Jr. noong madaling-araw matapos ang paghihiwalay ng taon sa Sta. Cruz, Maynila.
Inihahanda na ang kasong murder laban sa dalawa at dalawa pang naunang natimbog na mga suspect, ayon kay PO2 Bernardo Cayabyab, may hawak ng kaso.
Hindi nagbigay ng anumang pahayag ang dalawang suspect sa kabila ng positibong pagkilala sa kanila ng mga saksi sa naganap na kaguluhan noong alas-2 ng madaling-araw ng Enero 1.
Sa naunang mga ulat, ang biktima ay sinampal umano ng dalawang bading na suspect dahil nagalit ang mga ito nang may sumigaw sa sinasakyan nilang dyip na ‘Bawal ang bakla dito!’ na ibinintang kay Mendoza.
Pinababa silang lahat ng driver ng dyip sa tapat ng Jose Reyes Memorial Hospital hanggang sa magsimula ang habulan at kuyugin si Mendoza bago binaril nang malapitan na ikinasawi nito na sinasabing mga tambay na tinawag ng dalawang sumukong suspect.
Kabilang sa agad na nadakip na mga suspect ay sina Robert Palacio, 36; Danilo Riomales, 43; at Dante Jacinto, 32, ang itinuturong tricycle driver na sumumpak sa dibdib ng biktima at pawang residente ng Quiricada St.
Hawak din ng imbestigador ang video footage na nakunan ng dalawang cameraman na nagkokober sa JRMMC ng mga nabiktima ng paputok ng araw na iyon.
Sina Palacio at Dante lamang ang naisailalim sa inquest proceedings dahil walang matibay na batayan upang isama sa kaso si Riomales.