MANILA, Philippines - Apat katao ang nasawi makaraang pagsasaksakin ng isang lalaki na nagsaksak din sa sarili matapos ang hindi pagkakaunawaan sa halos pa-morningan na inuman sa isang lugar sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang mga nasawi na sina Teodulfo Glory, 52, karpentero; Ruel Galinero, 30; Sergio dela Rosa, 47; at Roberto Garduce, 32;
Sina Glory at Galinero ay agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente dahil sa mga saksak sa buong katawan. Habang sina Garduce at dela Rosa ay nagawa pang maisugod sa ospital pero binawian din ng buhay habang ginagamot ng mga doktor.
Inoobserbahan naman sa East Avenue Medical Center ang suspect na si Robert Estorque, 33, na nagsaksak sa sarili makaraang isagawa ang krimen.
Ayon kay PO2 Alvin Quisumbing, nangyari ang insidente sa may Aries St., Sitio San Roque Brgy, Bagong Pag-asa sa lungsod ganap na alas-4 ng madaling araw
Sa inisyal na ulat, bago nito, nagsimula umanong mag-inuman ang mga biktima sa bahay ni Glory at dalawa pang kasama ganap na alas- 8 kamakalawa ng gabi.
Sinabi ng isang Valentin Berondo na nakaligtas sa insidente, umabot sa umaga ang inuman hanggang sa bigla na lang umanong magwala si Estorque at kumuha ng kutsilyo saka walang habas na pinagsasaksak ang mga biktima.
Sinasabing nadamay lamang si Garduce sa pananaksak dahil nautusan lamang umano itong bumili ng kape kung saan pagbalik ay naipit na ito sa gulo at pinagsasaksak din ng suspect.
Matapos na mapatay ng suspect ang mga biktima ay nagsaksak na rin ito sa sarili dahilan para magtamo ito ng matinding sugat sa katawan at isugod sa nasabing ospital.
Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente.