Lola dedo sa 2 tandem

MANILA, Philippines - Isang 62-anyos na lola ang nasawi habang sugatan naman ang dalawang kapitbahay nito makaraang pagbabarilin ng apat na kalalakihan sakay ng dalawang motorsiklo sa Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang nasawing biktima na si Rosela Canoy, biyuda, ng Blk. 34, Lot 22, Lily St., Maligaya Park, Subd., Brgy. Pasong Putik, ng nasabing lungsod. Nagtamo ito ng mga tama ng bala ng baril sa kanyang katawan.

Sugatan naman ang da­lawang kapitbahay nito na sina Del James Rusuelo, 18, binata at Joseph Guerero, 18.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng umaga sa tapat ng bahay ni lola Ro­ sela habang nakikipag-usap­ ito sa ilang kapitbahay ng biglang dumating ang 4 na kalalakihan sakay ng 2 motorsiklo na armado ng baril at saka agad na pinagbabaril ang biktima.

Tinamaan naman ng stray bullet ang dalawang nasugatan na kapitbahay ng biktima at agad na isinugod sa pagamutan matapos ang pamamaril.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na krimen habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments