Kelot binoga sa mukha

MANILA, Philippines - Butas ang kaliwang mata ng isang lalaki matapos na barilin sa mukha ng hindi pa nakikilalang salarin sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktima na si Romeo Santos, 35 at residente ng CMLI Compound Alley 1 Sitio Del Monte, Brgy Bagong Pagasa sa lungsod.

Sa ulat, nangyari ang insidente sa may Acasia St. corner Quisora Sts., Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa sa lungsod, ganap na alas-11:45 ng gabi. Ayon sa isang Liling Dagatangonan, residente sa lugar, bago matagpuan ang bangkay ng biktima, nakarinig umano siya ng putok ng baril mula sa labas ng kanyang bahay.

Dahil dito, agad siyang lumabas para tingnan ang pinagmulan ng putok kung saan tumambad sa kanya ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa semento. Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala ng baril sa kaliwang mata na tumagos sa likurang bahagi ng kanyang ulo na ikinamatay nito.

Narekober naman ng pulisya mula sa mga gamit ng biktima ang isang kalibre 38 baril, patalim at isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad kaugnay sa insidente.

Show comments