MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa siyam na milyong deboto ang inaasahang dadagsa sa nalalapit na kapistahan ng “Itim na Nazareno” sa Enero 9 sa Quiapo, Maynila.
Ito ang inihayag kahapon ni P/Chief Insp. Erwin Margarejo, spokesman ng Manila Police District, kasunod ng pahayag na handang-handa na ang kapulisan sa pagdiriwang ng piyesta ng Quiapo.
Base sa nakatakdang schedule, magsisimula ang prusisyon dakong alas-2 ng hapon sa Enero 8 para dalhin ang itim na Nazareno sa Quirino Grandstand bilang taunan at tradisyunal na “vigil at pahalik”.
Nabatid na may 2,300 pulis na miyembro ng Task Force Nazareno ang ikakalat para magbigay ng proteksiyon sa publiko sa Quiapo area at Quirino Grandstand.
Magugunita na noong 2010 ay umabot sa hanggang 15-oras ang nilakbay ng prusisyon bago nakabalik ang Nazareno sa Simbahan ng Quiapo.
Nabatid na ang ruta ng prusisyon ay magsisimula sa Quirino Grandstand patungong Katigbak Drive, diretso sa P. Burgos. Kakaliwa sa Taft Avenue, diretso sa MacArthur Bridge, kanan sa Palanca diretso sa MacArthur Bridge kung saan kaliwa sa Quezon Boulevard, kanan naman sa Arlegui, kanan sa Carcer, kanan sa Hidalgo at diretso sa Plaza del Carmen.
Kaliwa sa Bilibid Viejo at lusot sa Puyat, kaliwa sa Guzman, kanan sa Hidalgo, kaliwa sa Barbosa, kanan sa Globo de Oro, diretso sa ilalim ng Quezon Bridge, kanan sa Palanca, kanan sa Villalobos, papuntang Plaza Miranda hanggang sa Quiapo Church.