MANILA, Philippines - Isang retiradong ahente ng Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos ang naging biktima ng kilabot na Akyat-Bahay Gang kamakalawa sa Pasay City. Nakilala ang dayuhang biktima na si Michael Brown, 44, nagpakilalang dating FBI agent, at naninirahan sa Kalayaan Village, Pasay City. Kasama nitong dumulog sa Pasay City Police ang misis na si Krizzalyn Brown Dumundon, 22. Sa salaysay ng dalawa sa pulisya, umalis sila ng bahay at dumalo sa isang party sa may Atrium Hotel sa Gil Puyat Avenue dakong alas-9 ng gabi noong nakaraang Sabado. Bumalik lamang sila ng kanilang bahay dakong ala-1:45 ng Linggo ng hapon kung saan agad na napansin na sira ang pintuan sa kanilang silid na iniwan nilang nakakandado. Nadiskubre rin nila na nawawala na ang kanilang mga alahas at iba pang mahahalagang gamit.