Bata, lola dedo sa ligaw na bala

MANILA, Philippines - Hindi nasilayan ng 7-anyos na batang babae at isang 88-anyos na lola ang Bagong Taon matapos tamaan ng ligaw na bala at masawi sa magkahiwalay na lugar sa Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Naganap ang unang insidente dakong alas-12:20 ng madaling-araw sa Penarubias Street, Binondo, nang habang naaaliw ang batang si Angelica dela Cruz sa panonood ng putukan sa labas ng kanilang bahay nang biglang tamaan ng ligaw na bala ng baril.

Nakita na lamang ng ng kanyang nanay na si Cristina, ang anak na may lumalabas na dugo sa leeg habang siya ay nakaupo sa bangketa.

Ayon kay PO2 Bernardo Cayabyab, isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktima subalit idineklarang patay dahil sa bala sa kaliwang bahagi ng leeg.

Samantala, dakong alas-4:35 ng madaling araw naman nang masapul ng ligaw na bala sa tiyan ang 88-anyos na  si Rosefina Tablan ng # 2329 Pasig Line, Sta. Ana, Maynila kung saan idineklarang patay sa Ospital ng Maynila.

Nabatid sa ulat na du­madaan lamang ang biktima at anak nitong si Milagros sa panulukan ng Pasig Line at A. Francisco Street nang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng magkalabang grupo ng kabataan.

Nakarinig na lamang ng putok ng baril si Milagros kung saan duguang bumulagta ang matanda.

Show comments