MANILA, Philippines - Isang negosyante ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang kaibigan habang sakay ng kanyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Sta. Ana, Maynila.
Apat na putok ng baril ang tumapos sa buhay ni Crisostomo Busano, 40, ng Radium St., San Andres Bukid, Maynila. Idineklara itong dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital.
Agad namang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspect na si Jake Alvarez, 35, ng San Andres Bukid.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:05 ng gabi sa kahabaan ng Onyx St., Sta.Ana, Maynila.
Nabatid na sakay umano ang biktima ng kanyang kulay itim na Honda dash (7285 TP) at pagsapit sa lugar ay pinagbabaril ng suspect.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pagpaslang sa suspect, bagamat sinabi ng misis ng biktima na si Julieta na nawawala ang P10,000 cash na nasa wallet ng kanyang asawa.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa nasabing insidente.