Pulis isinilid sa drum, pinaanod sa ilog

MANILA, Philippines - Isinilid sa drum saka pina­anod sa ilog ang bangkay ng isang AWOL na pulis nang matagpuan ito kahapon sa Caloocan City.

Nakilala ang biktima na si PO1 Anfilrey Ryan Agbalo, 34, ng Bago Bantay, Quezon City at dating miyembro ng Special Action Force sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, dakong alas-10:00 ng umaga nang lumutang ang isang asul na plastic drum na nababalutan ng packaging tape sa ilog ng Phase 12, Tala, ng nabanggit na lungsod.

Agad iniahon ng ilang residente ang drum at nang buksan ay tumambad ang bangkay ng biktima na na­ging dahilan upang ipagbigay alam sa mga pulis.

 Lumalabas na may tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima at nakuha sa bulsa nito ang isang PNP ID kaya’t nakilala ito ng mga imbestigador.

Nabatid na tatlong buwan nang AWOL ang biktima na naging dahilan upang tanggalin ito sa serbisyo.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente.

Show comments