MANILA, Philippines - Binantaan pa ng isang obrero ang kanyang dating kasintahan na hindi ito patatahimikin bago ito nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti sa inuupahang silid sa Las Piñas City.
Dakong alas-4 ng madaling-araw kahapon nang madiskubre ng mga kasamahan ang bangkay ng biktimang si Dionido Sacayan, 38, sa loob ng inuupahang silid sa isang bahay sa Interior Arias St., Cecilia, Brgy. Talon 2, ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ng Las Piñas City Police, sunud-sunod na mensahe ang ipinadala sa pamamagitan ng “short messaging system” sa cellphone ng nasawi sa kanyang 23-anyos na dating kasintahan na si Irene Tundag, bago ito nagpatiwakal.
Ayon kay Tundag, nakipagkalas siya kay Sacayan sa mismong araw ng Pasko dahil sa hindi na umano niya matiis ang mga panlalait sa kanya ng dating nobyo kahit na sa harap ng ibang tao. Hindi umano ito matanggap ng nasawi na binulabog si Tundag ng pagpapadala ng sari-saring text messages upang makipagbalikan ang babae na hindi naging epektibo.
Ang pinakahuling mensahe naman na ipinadala ni Sacayan ay ang mga katagang, “Ma, mahal na mahal kita, malalaman mo na lang bukas ang malaking balita, pagsisisihan mo ang lahat ng ginawa mo sa akin. Hindi kita patatahimikin.”