MANILA, Philippines - Puspusan ngayon ang pagtugis ng mga awtoridad laban sa sinasabing dalawang puganteng miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na tumakas sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa mga posibleng pagtaguan ng mga ito sa Metro Manila.
Kinilala ang dalawang pugante na sina Roger Taures at Bayan Abbas, kapwa sangkot sa kaso ng kidnapping-for-ransom.
Nitong Biyernes ay sumingaw ang pagkakatakas ng dalawang Abu Sayyaf sa medium security ng NBP na naganap noon pang Disyembre 9.
Sa kasalukuyan, ayon kay Bureau of Corrections (BUCOR) Director Gaudencio Pangilinan nakipagkoordinasyon na sila sa PNP upang maibalik sa selda ang dalawang pugante.
Pinaniniwalaan namang hindi pa nakakalayo sa Metro Manila sina Taures at Abbas dahil sa mahigpit na seguridad na inilatag ng pulisya, partikular na sa mga pantalan, paliparan at bus terminals ngayong Kapaskuhan.
Nabatid na si Abbas, 45, ng Maharlika Village, Taguig City ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kaso ng kidnapping-for-ransom.
Samantala, si Taures, 48, ay nasentensiyahang guilty sa kasong illegal detention.
Idinagdag pa ng opisyal na patuloy ang kanilang pagsuyod sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan na posibleng pinagtataguan ng dalawang pugante.