Maid tugis sa pagnanakaw sa amo

MANILA, Philippines – Tugis ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang kasambahay ma­tapos na tangayin nito ang alahas ng kanyang amo sa Quezon City, iniulat kahapon.

Nag-ugat ang insidente makaraang dumulog sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima na si Violeta Ve­lasquez, 52, ng 11 Aguila St., Villilia Village, Brgy. Talipapa, upang magreklamo laban sa katulong na nakilalang si Gemma Soberano Gabriel.

Ayon sa biktima, nata­ngay sa kanya ng katulong ang kwintas na tinatayang nagkakahalaga ng P180,000; bracelet na may halagang P60,000; at diamond ring na nagkakahalaga ng Php30,000. 

Nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-11 kama­kalawa ng gabi hanggang sa kinaumagahan ng alas-5.

Nagawa umanong ma­tangay ng katulong ang alahas habang nasa kasarapan ng pagtulog ang biktima kung saan naiwan nito ang kanyang mga gintong alahas sa kuwarto. 

Mula rito ay sinamantala ng katulong ang biktima at sinimulang limasin umano ng alahas nito saka itinakas.

Patuloy ang imbestigas­yon sa nasabing insidente habang inihahanda ang kasong Qualified Theft laban sa kasambahay.

Show comments