MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang magkapatid na umano’y kabilang sa apat na katao na nangholdap at nanggahasa sa isang 19-anyos na dalaga sa isang bakanteng lote sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni Superintendent Marcelino Pedrozo, hepe ng QCPD Station 4 ang mga suspect na sina Benjamine Canengneng, 23, at kapatid na si Jerome, 18, ng Old Prodon, Yakal St., Valenzuela City.
Ang isa pang suspect na kapatid din ng mga nadakip ay nakilalang si Mario, 20, at isang alyas Baba ay pinaghahanap pa ng awtoridad.
Ayon kay Pedrozo, ang mga suspect ay natukoy ng mismong kanilang biktimang si Valerie, hindi tunay na pangalan, na siyang nangholdap at umabuso sa kanya sa may bakanteng lote ng Sierra Vista Subdivision, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Sa salaysay ng biktima, naglalakad siya pauwi galing trabaho ganap na alas-2 ng madaling-araw sa Basa Compound, Brgy Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City, nang sumulpot ang mga suspect.
Sakay ng dalawang motorsiklo, biglang hinarang ng mga ito ang biktima sabay deklara ng holdap at kuha sa bag na naglalaman ng pera at gamit ng huli.
Hindi pa nakuntento, dinala pa ng mga suspect ang biktima sa bakanteng lote ng Sierra Vista Subdivision kung saan ito ginahasa.
Masuwerte namang nagpapatrulya ang Barangay Public Safety Officers (BPSO) sa lugar at napuna ang nangyayari sa bakanteng lote at agad na sinaklolohan ang biktima.
Agad na inaresto ng BPSO si Jerome habang ang ibang kasamahan nito ay nagawang makatakas. Narekober din sa mga suspect ang dalawang motorsiklo pero ang bag ng biktima ay hindi na.
Sa patuloy na follow-up operations ay naaresto naman ng pulisya ganap na alas-10 ng umaga si Benjamine sa Valenzuela City.