MANILA, Philippines - Tinaniman ng bala sa ulo, mukha at tiyan ang isang 29-anyos na lalaki habang mag-isang umiinom ng alak sa harapan ng isang sari-sari store sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Rolando Flores, alyas “Tabok”, ng Pilar St., Tondo.
Kaswal lamang na naglakad papalayo ang di pa kilalang lalaki matapos paulanan ng bala ng baril ang biktima.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:25 ng madaling- araw nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Cortez sari-sari store sa isang eskinita malapit sa bahay ng biktima.
Isinugod naman ng mga residente sa nasabing ospital ang biktima kung saan ito idineklarang dead-on-arrival.
Naniniwala ang awtoridad na may matinding galit ang suspect dahil sa tinadtad ito ng bala.