MANILA, Philippines - Hindi naging masuwerte ang unang araw ng pagsisimbang gabi ng tatlong kasambahay makaraang mabiktima ang mga ito ng hit-and-run habang patungo sa isang simbahan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa inisyal na impormasyong ibinigay ng barangay official, ang mga biktima ay ang magpinsang sina Crisanda at Melba Tangkino, at isang alyas Junri, na pawang isinugod sa pagamutan bunga ng mga tinamong pinsala sa kanilang katawan.
Samantala, tanging numero ng plaka naman ang natukoy sa nasabing sasakyan, ang PJU-239 na nakatakdang alamin ng awtoridad upang matukoy kung sino ang driver at mapanagot sa kanyang ginawa.
Nangyari ang insidente sa may 4th St., malapit sa Madison St., New Manila, Brgy. Marianas ganap na alas-4:20 ng madaling-araw.
Diumano, naglalakad ang mga biktima patungo sa Mount Carmel para magsimbang gabi nang biglang sumulpot ang isang kulay pulang sasakyan at bundulin ang mga una.
Sa kabila ng pagkakasagasa ng sasakyan sa mga biktima ay hindi natinag ang driver nito at mabilis na humarurot papalayo sa lugar, subalit hinabol ito ng isang miyembro ng NGO’s na nagtatrapik sa lugar kung kaya nakuha ang plaka nito.
Ang mga biktima ay agad na isinugod naman sa naturang ospital kung saan iniulat na nasa malubhang kalagayan si Crisanda.