MANILA, Philippines - Hindi naging positibo ang pagtanggap ni Parañaque City Mayor Florencio Bernabe Jr. sa panukala ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ilipat na ang mga paliparan ng Ninoy Aquino International Airport at Manila Domestic Airport sa ibang lugar na mas kokonti ang populasyon para sa kaligtasan ng mga residenteng naninirahan sa lungsod.
Sinabi ni CAAP Director General Ramon Guttierez na matagal na nilang “concern” ang kaligtasan ng populasyon na nasa paligid ng NAIA at MDA kung saan ilan sa panukalang paglilipatan nito ay sa Sangley Point sa Cavite o kaya sa Clark sa Pampanga.
Ayon kay Guttierez, patunay ang naganap na pagbagsak ng light airplane sa mataong lugar sa Brgy. Don Bosco sa Parañaque sa panganib na nakaamba sa isang lugar na malaki ang populasyon na dulot ng paliparan.
Naging matabang naman ang pagtanggap dito ni Bernabe, na isa sa nabibiyayaan ng mga negosyong nagsusulputan dahil sa paliparan at turismo. Sinabi nito na sa paglipat ng mga paliparan, higit 3,000 empleyado ng mga “logistics company” na nag-ooperate sa kanilang lungsod at sa Pasay City ang tiyak na mawawalan ng hanapbuhay.
Sinabi ni Bernabe na kailangan ng ibayong pag-iisip pa at pagpaplano ng mga kinauukulan kasama na ang pamahalaang lungsod ng Parañaque at Pasay bago maipatupad ang panukalang paglilipat sa mga paliparan.
Iginiit pa ni Bernabe na ang mga plane crash tulad ng naganap noong Sabado ay bibihira lamang na nagaganap at sobrang “isolated”. Kaysa sa ilipat ang mga paliparan, mas nararapat umano na pagtuunan na lamang ng CAAP at ng iba pang awtoridad ang pagsunod sa “maintenance” ng mga kompanya ng eroplano at mga pribadong may-ari ng mga maliliit na eroplano.
Samantala, umiiyak naman ang mga apektadong residente ng Don Bosco dahil sa wala pa umanong konkretong tulong na ipinararating ang lokal at nasyunal na pamahalaan. Bukod sa paglilikas sa kanila sa covered court ng Annex 35 covered court sa Better Living Subdivision sa naturang barangay at inisyal na relief goods na ipinamahagi, wala pang ipinadadalang tauhan at heavy equipments si Mayor Bernabe at ang nasyunal na pamahalaan kahapon upang linisin ang nasunugang lugar.
Nakilala na lahat kahapon ang 14 na nasawi sa trahedya. Bagama’t sunog na sunog ang bangkay ng karamihan sa mga nasawi, isa-isa silang kinilala ng kani-kanilang pamilya kabilang ang tatlong taong gulang na si Klyde Reflordo, Maricel Rodriguez, Edna Moreno, Janine Moreno, Rowena Moreno, Rowell Moreno, Arnold Moreno, Maribel Nolasco, Margarita Ranon at limang taong gulang na anak na si James Ranon, Roldan Sabidoria, pilotong si Capt. Timoteo Albo, co pilot na si Capt. Jessie Kim Lustica at pasaherong si Julius Dorado, 21.