4 na sasakyan inararo ng kotse ng housemate ni Big Brother

MANILA, Philippines - Lima katao ang sugatan nang araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng umano’y dating housemate ni Big Brother ang apat na sa­sakyan sa Cubao, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga sugatan na sina Abby Jane Briones, 35; Enrique Briones, 35; Jeric Magayon, 19; Remedios Ba­luyot, 45; at Ernesto Vallena­, taxi driver, na pawang mga nagtamo ng mga sugat sa kanilang mga mukha at ka­tawan.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente sa harap ng Nepa Q-Mart, Cubao, ganap na alas-4 ng madaling-araw.

Diumano, mabilis na tina­tahak ng Hyundai Tucson (YFN-340) na minamaneho ni Christina Marie Gonzalez, umano’y 2nd edition PBB housemate ang kahabaan ng EDSA north-bound, nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang tinumbok nito ang Glown taxi (UVD-381) na minamaneho ni Vallena, habang nakaparada rito.

Dahil sa bilis ng takbo ng Hyundai ay nagtuluy-tuloy ito hanggang sa madale ang isa pang taxi (UVF-549) na minamaneho ni Avcila at dalawa pang L-300 van.

Sinasabing sina Jane at Enrique ay pasahero ni Vallena kung kaya nagtamo ang mga ito ng sugat at bali sa katawan; habang sina Magayon at Baluyot na pawang mga nakaistambay sa lugar ay nadamay din sa insidente.

Samantala, si Gonzales na sinasabing dahilan ng karambola ay mabilis namang tumakas sakay ng isang Nissan­ Urban.

Ilang minuto ang lumipas, isang lalaki ang dumating sa pinangyarihan ng insidente at inamin nito na artista si Gonzalez at galing umano ito sa shooting kung kaya maaaring inaantok kung kaya nangyari ang insidente.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments