MANILA, Philippines - Muling inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tinatawag nila ngayong “Mabuhay Christmas Lanes” na mga alternatibong ruta sa Metro Manila upang makaiwas sa matinding trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni MMDA Chairman na umaabot na ngayon sa kabuuang 205 kilometro ang tinukoy nilang Christmas lanes matapos na madagdagan ng 33 bagong ruta ang 12 lamang noong nakaraang taong 2010.
Kabilang sa mga bagong ruta na bubuksan ay ang mga diretso sa mga kilalang murang shopping destinations na Baclaran, Divisoria, Greenhills at Carriedo. Isasara naman ang Del Monte-West Riverside intersection sa trapiko upang mapabilis ang daloy ng trapiko sa may Araneta-Quezon Avenue dahil sa itinatayong underpass.
Isang motorcade ang pinangunahan kahapon ng umaga ni Tolentino na nag-umpisa sa kanto ng EDSA at Oliveros, Quezon City at bumagtas sa tinukoy nilang Christmas lanes patungo sa Tutuban, Divisoria sa Maynila. Upang tulungang gabayan ang mga motorista kung anu-anong mga lugar ang Christmas lanes, naglagay ang MMDA ng mga traffic directional signs, mga grupo ng traffic enforcers para magbigay ng tulong at nilinis rin umano ang mga bangketa sa lahat ng uri ng obstruksyon para sa mabilis na daloy ng trapiko.
Ipinagmalaki ng MMDA na sa pagbubukas nila ng Christmas lanes noong nakaraang taon, bumilis umano ng 14% ang daloy ng trapiko sa EDSA mula 27.9 kph tungo sa 32.07 kph.