MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Mayor’s Complaint and Action Team (MCAT) ang tatlong babae na naaktuhang nagbebenta ng pe keng cedula noong Biyernes sa Manila City Hall.
Ayon kay Ret. Col Frank lin Gacutan, sina Imelda Aquino, 45 at Liza Sepata, 35, ay nakuhanan ng 87 piraso ng pekeng cedula sa city hall na umano’y binibili nila sa halagang P5 bawat isa mula kay Ma. Vicenta Benedicto, alyas Vicky at residente ng Blk.170 Lot. 1 Phase 4,Paliparan, Dasmariñas, Cavite.
Dahil dito, nagsagawa ng follow-up operation ang MCAT kung saan nakita si Benedicto na nagbebenta at nakuhanan naman ng 117 piraso ng pekeng CTCs.
Nalaman na ibinebenta umano sa publiko sa halagang P20 ang kada isang pekeng CTCs.
Nauna dito, nabatid na nakatanggap ng reklamo si Manila Mayor Alfredo Lim, kaugnay sa talamak na bentahan ng pekeng cedula sa labas ng city hall, kaya iniutos nito kay Gacutan na magsagawa ng operasyon at arestuhin ang mga taong nasa likod ng pabebenta ng pekeng cedula.
Idinagdag pa ni Gacutan na walang lugar sa city hall ang bentahan ng mga pekeng cedula na isang uri ng panloloko sa publiko.
Nahaharap sa kasong selling fake counterfeited CTCs at falsification of public documents ang tatlong babae sa Manila Prosecutors Office.