Ginang binaunan ng bala sa ulo

MANILA, Philippines - Binaril sa likurang bahagi ng ulo ang isang 41-anyos na babae ng hindi pa kilalang salarin sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni SPO1 Mario Asilo, ng MPD-Homicide Section, ang biktima na kinilala sa nakuhang identification card na tumutugon sa pangalang Marilyn Esponilla, residente ng Duhat St.,Tondo, Maynila.

Dakong alas-7:45 ng gabi nang ideklarang patay sa Mary Johnston Hospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Inilarawan ang suspect na nasa edad na 25-30, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, mahaba ang buhok, katamtaman ang pangangatawan, may kipkip na clutch bag na brown at nakasuot ng short pants at t-shirt.

Naganap ang insidente sa panulukan ng Zamora at Concha Sts., sa Tondo, kung saan umano malapitang binaril sa ulo ang biktima ng suspect bago tumakas.

Nabatid na nag-aabang lamang ng dyip na masasakyan ang biktima nang sumulpot ang nasabing suspect.

Isinugod sa pagamutan ang ginang na hindi na rin naisalba. Hindi naman dinala ng salarin ang bag ng biktima na narito ang mga gamit at papeles nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang motibo at salarin.

Show comments