MANILA, Philippines - Bulagta ang tatlong umano’y holdaper nang makipagpalitan ng putok sa mga humahabol na mga tauhan ng Manila Police District-Station 5 sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa mga nasawi na inilarawan ang una sa edad na 35-38, naka-t-shirt na puti, cargo pants at tadtad ng tattoo kabilang ang “Jerry/Rolan” sa kaliwang balikat at “Ablaza” sa likod at “Sputnik”; ang pangalawa ay nasa 23-25 anyos, naka-t-shirt na puti, itim na short pants, may tattoo na “Sputnik” at ang ikatlo ay nasa 22-25 anyos, nakasuot ng puting sando, blue na short pants at walang tattoo sa katawan.
Isa pang suspect ang nakatakas habang nagkakaputukan.
Sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab ng MPD-Homicide Section, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Muelle del Rio St., sa likod ng PhilPost building.
Positibong kinilala ng mga biktimang sina Lincon Lazaro, 22; Jaclyn Lopez, 28; at Hector Lopez, 28, ng Sta. Cruz, Maynila, ang mga suspect na tumangay ng kanilang mga kagamitan at pera.
Sumakay umano ang mga suspect sa P. Gil St. sa sinasakyan ng mga biktima na may biyaheng pa- Monumento nang pagsapit nila sa paanan ng McArthur Bridge ay nagdeklara ng holdap at nilimas ang mga kagamitan at pera ng mga biktima at mabilis na nagsibaba.
Nagpasaklolo naman ang mga biktima sa Lawton Police Community Precinct kaya nagawa pang mahabol ng mga pulis ang mga suspect.
Nang papalapit na ang mobile car ay nagpaulan ng putok ang mga suspect kaya ginantihan ng mga pulis at nasapul naman ang 3 suspect habang ang isa umano ay nakatakas.