MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Regional Anti-Illegal Drugs ng National Capital Region Police Office (RAID-NCRPO) ang isang Chinese at isang Pinoy sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Kevin Yu, 27, at Benigno Rapsing, 29.
Natunton ang mga suspect sa isinagawang operasyon sa may Mayon St., malapit sa kanto ng P. Florentino St., Brgy. Sta. Teresita sa lungsod, ganap na alas-3:30 ng madaling-araw.
Nag-ugat ang nasabing operasyon ng NCRPO matapos na makatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa umano’y iligal na transaksyon ng mga suspect.
Kaya naman nang makumpirma ang nasabing tip, agad na pinlano ng mga tropa ang isang buy-bust operation kung saan isang poseur-buyer na alagad ng batas ang ginamit para magkunwaring bibili ng droga sa halagang P2 milyon.
Nakumpiska sa mga suspect ang may 1 kilo ng hinihinalang shabu at mga identification card na nakalagay bilang confidential agent ng PNP, isang kalibre 380 baril at isang sasakyan.