MANILA, Philippines - Patay ang tatlo katao kabilang ang isang barangay treasurer matapos na pagbabarilin ng isang grupo ng mga holdaper sa isang payroll robbery kahapon ng tanghali sa hangganan ng Caloocan City at Bulacan.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Rodora Gomito, 31, treasurer, ng Brgy. 176, Caloocan City at residente ng Bagong Silang habang dead-on-arrival naman sa Nodado Medical Center sina Jaime Mendoza, driver at Donna Megallo, barangay staff na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa .9mm caliber pistol at kalibre .45 baril.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Caloocan City Police laban sa mga holdaper na tinatayang nasa apat hanggang limang kalalakihan na nakasakay sa tatlong motorsiklo.
Base sa nakalap na impormasyon kay Sr. Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng tanghali sa Citation Homes boundary ng Caloocan City at Meycauayan, Bulacan.
Nabatid na galing ang mga biktima sa Landbank na matatagpuan sa Samson Road kung saan ay nag-withdraw si Gomito ng halagang P3.1 milyon na pampasahod sa mga empleyado ng Barangay 176.
Pabalik na ang mga biktima at lulan ng kulay itim na Isuzu Highlander (SHJ-680), nang bigla na lamang itong harangin ng mga suspect sa naturang lugar at agad na pinaulanan ng bala.
Matapos ito ay mabilis na kinuha ng mga suspect ang bag na kinalalagyan ng pera at mabilis na tumakas habang naiwang walang buhay si Gomito samantalang nagawa namang maisugod sa nabanggit na pagamutan ang dalawa pang biktima ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang mga ito.
Kaugnay nito, agad namang nagpalabas ng P100,000 reward si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa sinumang makapagtuturo at makakahuli sa mga suspect.
Mariiin ding kinondena ng alkalde ang ginawang pagpatay ng mga suspect sa mga biktima habang inutos naman ang pagtugis sa mga ito.