MANILA, Philippines - Hinihinalang bangungot ang sanhi ng kamatayan ng isang service crew ng isang Japanese restaurant matapos madiskubreng walang buhay, sa boarding house, sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Ang biktimang kinilalang si Alberto D. Abon, may asawa, tubong Mangaldan, Pangasinan na nanunuluyan sa no. 4851–A Rd.2 V. Mapa St., Sta. Mesa ay nadiskubreng patay ng kaniyang boardmate.
Sa ulat ni PO2 Jupiter Tajonera, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-11:30 ng umaga nang gigisingin umano ng boardmate ang biktima na hindi na gumagalaw. May katabi pa itong mga basyong bote ng alak.
Sabado umano ng gabi nang makitang umiinom ito ng alak bago matulog.