Missing link sa Ramgen slay, susuko na

MANILA, Philippines - Nagpadala na rin ng surrender feelers ang suspek na si Ryan Pastera sa Parañaque City Police na sinasabing “missing link” sa kaso ng pagpatay kay Ramgen Bautista.

Sinabi ni Chief Insp. Ferjen Torred, hepe ng Intelligence Unit ng Parañaque police, na isang kakilala rin nila ang tumawag at nagpahatid ng mensahe ng pagnanais sumuko ni Pastera.

Si Pastera ang itinuturong alyas Bryan na siya umanong kinontak ni Gail Bautista para kumuha ng mga hired killers na papaslang kay Ramgen, ayon sa pahayag ng isa pang suspek na si Glaiza Visda.

Isa rin namang kaanak ni Pastera ang lumutang at itinanggi na nagtatago ito. Da­lawang beses umano kada linggo ito umuuwi sa kanilang bahay at pumapasok pa sa “on-the-job-training” sa isang hotel. Nag-aaral umano ito ng kursong Hotel and Restaurant Management sa isang kolehiyo sa Las Piñas City.

Giit pa ng kamag-anak ng suspek, hindi kayang gawin ni Pastera ang mga binibintang sa kanya bagama’t hindi nito itinanggi na kaibigan nito si Hero, ang Hapones na asawa ni Gail Bautista na kapatid ni Ramgen.

Show comments