MANILA, Philippines - Sabunot, tadyak at suntok!
Ito ang dinanas ng isang 16-anyos na kasambahay mula sa kanyang amo matapos na sagipin ng Manila Social Welfare Department (MSWD) at Manila Police District-Police Station 1 sa Tondo, Maynila. Dakong ala-1:30 kahapon nang sagipin ng mga awtoridad si Anna, mula sa kamay ng kanyang among si Rod Ronquillo, 30, sa J. Cunanan St. Gagalangin Tondo, Maynila.
Puno ng pasa ang katawan at bukol sa ulo si Anna. Nabatid na isang kapitbahay ang nakasaksi sa pagmamalupit kay Anna kung kaya’t agad itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.
“Nagkamali lang po ako ng abot, imbes na keso, e mantikilya ang naibigay ko, tapos po sinuntok na niya ako at tinadyakan inuntog pa rin ang ulo ko sa gate ng bahay”, ani Anna.
Nalaman kay Jay de la Fuente, hepe ng MSWD na maging ang cellphone ng biktima ay kinuha pa ng suspect at hindi na ibinalik.
Nabatid na may limang buwan na umanong naninilbihan ang biktima sa suspect pero dalawang buwan pa lamang ang pinapasahod sa kanya, kung saan P2,500 kada buwan dapat ang kanyang suweldo.