MANILA, Philippines - Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Autho rity (MMDA) na hindi magkukulang ang mga bus sa mga kalsada partikular na sa EDSA dahil sa pagkakansela ng daan-daang prangkisa ng mga kompanya ng bus na sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Nilinaw ni MMDA Chairman Francis Tolentino na sapat pa rin ang mga pampublikong bus na bumibiyahe sa Metro Manila sa kabila ng pagsuspinde sa prangkisa ng kabuuang 872 bus units.
Sinabi nito na higit sa 12,000 pang provincial at city bus units ang kasalukuyang bumibiyahe araw-araw sa Metro Manila na tingin nila ay sapat na para makayanan ang mga pasaherong tiyak na dadagsa sa mga kalsada ngayong buwan ng Disyembre.
Samantala, kasama ang mga tauhan ng LTFRB kung saan higit sa 100 plaka ng mga bus ng Jell Transport ang kanilang binaklas sa kabila ng hirit ng mga drivers at operators nito na nakatakda pa lang silang umapela sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Isa ang Jell Transport na kasama sa mga bus companies na sinuspinde ang prangkisa dahil sa pakikilahok sa tigil-pasada noong nakaraang taon.