15-anyos kinursunada, patay sa bugbog

MANILA, Philippines - Patay ang isang 15-anyos na binatilyo makaraang kursunadahin itong bugbu­gin ng tatlo ring kabataan habang ang una ay naglalakad pauwi sa lungsod Quezon kahapon ng mada­ling araw.

Nakilala ang biktima na si Earl Bryan Gealon, estud­yante at residente ng Brgy West Fairview sa lungsod.

Patuloy namang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspect na mabilis na nagsitakas ma­karaan ang krimen.

Nangyari ang insidente malapit sa TMS Dialysis Center na matatagpuan sa Lot 32 Blk 83 Regalado Ave­nue sa lungsod, pasado ala-1 ng madaling-araw.

Bago ang insidente, nakita umano ng guwardiyang si Eduardo Noces na naglalakad ang biktima sa may kahabaan ng Regalado Avenue habang may kausap sa kaniyang cellphone.

Mula sa likuran ng biktima ay sumulpot ang mga suspect at nilapitan ang biktima saka pinagtulungang itong bugbugin. At nang duguang humilata sa kalye ang biktima ay saka nagsipagtakas ang mga suspect.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa nasa­bing insidente.   

Show comments