MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi makaraang barilin ng security guard matapos magtalo sa attendance ng una na minarkahan ng huli na absent sa trabaho sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nakilala ang biktima na si Erick Castro, 32, na agad na nasawi matapos barilin ng suspect na sekyu na si Joecrin Lumanog.
Agad namang naaresto ng awtoridad si Lumanog, 26, matapos ang pamamaril na nangyari sa may construction site ng Metro North Medical Center sa Mindanao Avenue ganap na alas-4 ng hapon.
Ayon sa ulat, nagtalo ang biktima at suspect dahil sa attendance ni Castro nang pumasok siya sa nasabing construction site. Nagrereklamo si Castro kung bakit siya minarkahang absent sa logbook ng suspect gayong pumasok naman umano ito ng buong araw.
Ikinatwiran ng guwardiya na hindi naman niya nakita sa lugar ang biktima kung kaya inabsenan niya ito. Nabatid na may ibang trabahador din sa construction site ang nakaalitan ni Lumanog na gayundin ang naging dahilan.
Ayon sa mga trabahador, ang dapat na humahawak ng attendance logbook ay ang kanilang foreman at hindi si Lumanog pero inaako ito ng huli. Kaya nang pagpasok ni Castro sa trabaho ay muling iginiit nito kay Lumanog na hindi dapat siya humahawak ng logbook pero mapilit ang huli dahil binigyan daw siya ng authority.
Sa kainitan ng pagtatalo, nagtungo si Lumanog sa guardhouse na nasa gate at kinuha ang kanyang shotgun saka binalikan si Castro at binaril. Matapos ang pamamaril ay agad na sumibat ang suspect na naaresto din ng awtoridad kalaunan.