Suspendidong bus, nadawit uli sa aksidente

MANILA, Philippines - Hindi pa naman nare­resolba ang suspensyon sa kanilang prangkisa, muli na namang nasangkot sa aksidente ang Jell Transport kung saan 11 pasahero ang nasugatan nang makabanggaan ang isa pang pampasaherong bus, kahapon ng umaga sa Makati City.

Bali ang kaliwang hita ng driver ng bus ng Jell Transport (TXG-763) na si Henry Lukban, 56, habang nakilala naman ang iba pang sugatan na sina Danilo Piligrino, 53; Bryan Poloquin, 21; John Mark Caringal, 27; Karen Joy Florentino, 26; Jim Carlo Morales, 24; May Isabel Agibot, 28; Lorraine Rosqueta, 25; Josphine Flores 45; Ma. Alfie Apostos, 37; at siyam na taong gulang na si Ryan Christian Flores.

Sa inisyal na ulat ng Makati Police-Traffic Ma­nagement Unit, naganap ang aksidente dakong alas-8 ng umaga sa may south-bound lane ng EDSA malapit sa Ayala intersection sangkot ang Jell Transport bus na minamaneho ni Lukban at bus ng Jasper Bus Lines (GYI-381) na minamaneho naman ni Larry Likod, 45.

Sa imbestigasyon, inamin ni Lukban na siya ang nakabangga sa likuran ng nakahintong bus ng Jasper makaraang makaramdam siya ng pagkahilo. Hindi umano na niya namalayan ang bilis ng takbo ng kanyang bus na diretsong bumangga sa nauunang bus.

Isa ang Jell Transport sa mga kompanya ng bus na sinuspinde ng Land Transportation Fran­chising and Regulatory Board ng prangkisa dahil sa pagsama sa transport strike ngunit bumiyahe pa rin sa kabila na walang bisa ang kanilang prangkisa.

Show comments