3 tirador ng side mirror, timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang tatlong lala­king hinihinalang responsable sa pagnanakaw ng mga side mirror ng mga nakaparadang sasakyan matapos ang pagsalakay sa hide-out ng mga ito sa lungsod Quezon kahapon.

Ang mga suspect ay kinilalang sina Robert de Vera, 35, driver; Oswald Teologo, 30; kapwa ng Brgy. Tatalon; at Ricky Reyes, 42, ng Sampaloc, Manila.

Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng Police Station 11, ang operasyon laban sa mga suspect ay bunsod ng mga reklamong natatanggap nila kaugnay sa mga serye ng pagnanakaw sa mga side mirror ng mga nakaparadang sasakyan sa lungsod.

Giit ni Babagay, naging sakit ng ulo umano ng kanilang tanggapan ang serye ng pagnanakaw kung saan karamihan ay napag-alaman nilang ibinibentang second hand sa ilang tindahan ng accessories sa Banawe.

Sa pagsalakay, narekober sa mga suspect ang may 80 piraso ng side mirror, 14 na piraso ng center cubs; 20 piraso ng hub cubs; at iba pang car accessories tulad ng headlights at tail lights.

Naganap ang pagsalakay sa may kahabaan ng Cardiz St., cor. Batulao St., Brgy. Tatalon, sa lungsod, ganap na alas-5:30 ng umaga.

Show comments