MANILA, Philippines - Nasa kustodiya at proteksyon lamang ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang half-sister at isa sa mga suspect sa pagpatay kay Ram Gen Revilla kung saan alam ito ng pulisya at hindi totoong “at large”.
Ito naman ang nabatid mula kay Task Force Ram Gen head, Chief Insp. Enrique Sy na alam ng Parañaque Police na nasa poder ng senador si Ramona matapos na makipag-ugnayan sa kanila ang Las Piñas police na unang nakakuha sa suspect.
Kinumpirma naman ito ni Las Piñas City Police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula kung saan nakuha umano ng kanyang mga tauhan si Ramona, o Mara sa isang mall sa Zapote Road saka dinala sa istasyon.
Unang sinabi ni Ramona sa pulisya na sa naturang mall umano siya ibinaba ng mga lalaking dumukot sa kanya makaraan ang pamamaril at pamamaslang sa kapatid na si Ram Gen.
Agad namang ipinaalam ng Las Piñas Police sa Parañaque Police na hawak nila si Ramona ngunit unang dumating sa istasyon si Senador Revilla na isinailalim sa kanyang kustodiya ang kapatid matapos na kunan ito ng pahayag.
Inilutang naman kahapon ni Senador Revilla si Ramona sa Parañaque Police kung saan ito kinunan ng pahayag at pinanindigan ang sinabi na dinukot siya ng mga salarin saka ibinaba sa Las Piñas.
Idineklara naman ni Parañaque Police-Intelligence Unit head, Chief Insp. Fergen Torred na “inconsistent” ang mga pahayag ni Ramona at hindi tumutugma sa pahayag ng kasintahan ni Ram Gen na si Janelle Manahan. Sinabi ni Manahan na kumatok sa pinto ng kanilang kuwarto si Ramona upang manghiram ng video camera na kanyang pinagbuksan. Pagpasok nito ay agad na pumasok ang hitman na nakasuot ng maskara at agad na binaril si Janelle saka isinunod si Ram Gen na kalalabas lamang ng banyo.
Sinabi naman ni Sy na bukod sa saksing si Ruel Puson, isa rin sa kanilang testigo ang production assistant ni Ram Gen na itinago sa pangalang Ronaldo. Ayon dito, dudura sana siya sa bintana nang makita na magkasunod na lumabas ng bahay sina Ramon Joseph at Ramona ilang sandali matapos ang pamamaril. Dumiretso umano ang dalawa sa gate ng BF Homes Subdivision na pinatunayan naman ng dalawang security guard.
Iginiit naman ni Parañaque City Police chief, Sr. Supt. Billy Beltran na ipauubaya na nila sa piskalya kung ipag-uutos na magkaroon ng “re-investigation” sa kaso base sa hingi ng pamilya Revilla.
Iginagalang umano nila ang saloobin ng mga Revilla na hindi matanggap na sariling mga kaanak ang lumalabas na utak sa krimen ngunit may matibay umano silang mga ebidensya para pangatawanan ang kanilang konklusyon sa kaso.