MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P5 milyong halaga ng mga alahas at pera ang nalimas sa bahay ng isang doktor sa lungsod Quezon makaraang pasukin ito ng hinihinalang “akyat bahay gang” habang nasa bakasyon.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Dr. Domingo Bongala Jr., 46, may-asawa, ng #31-A, Sct. Fernandez, Brgy. Laging Handa sa lungsod.
Nakuha sa kanilang bahay ang pitong piraso ng Rolex men’s watch na nagkakahalaga ng P1.7 milyon; limang piraso ng Rolex women’s watch (P2 million); cash P250,000; US $2,000; Euro dollar 2,500; assorted jewelry P500,000; at Acer laptop P40,000; Sony Vaio P80,000.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Christopher Ronquillo, may-hawak ng kaso, nadiskubre ng pamilya Bongala ang pagnanakaw nang dumating ang mga ito buhat sa pagbabakasyon ganap na alas-8:30 ng gabi.
Sinasabing pagbungad ng pamilya sa bahay ay napuna nilang ang lock sa main door ng bahay ay puwersahang nakabukas.
Agad na tinungo ang master’s bedroom kung saan nakita naman nila na ang door lock nito ay puwersahang din binuksan, at nagkalat ang mga gamit.
Lumilitaw sa ulat na ang pamilya Bongala ay umalis ng kanilang bahay noong Oktubre 30, 2011 ganap na alas-4 ng hapon at nagpunta sa Taal Vista sa Tagaytay City Batangas para magbakasyon.
Dahil dito, pinaalalahanan ng pulisya ang mga may-ari ng bahay na makipag-komunikasyon sa kanilang kapitbahay o barangay official para makatulong na tumingin sa kanilang bahay sa sandaling hindi pa sila nakakauwi.