MANILA, Philippines - Dalawa katao kabilang ang isang guro ang nagpatiwakal sa bisperas ng Undas kahapon ng umaga sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. Pansol, sa Quezon City.
Tuhog ang katawan ni Charlotte Fetalvero, 28, guro, tubong Romblon ng Brgy. Pansol ng bakal na bakod matapos umano itong tumalon sa footbridge sa may University of the Philippines Integrated School sa Katipunan Avenue.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, isang buwan na umanong nasa Maynila ang biktima para magpasuri sa hindi pa mabatid nitong sakit.
Bago ang insidente, nagpaalam umano ang biktima sa kaanak na magja-jogging sa UP ganap na alas-2 ng madaling-araw hanggang sa hindi na ito muli pang bumalik.
Ayon sa residente na si Danny Javier, nakita umano niya ang biktima na palakad-lakad sa overspass at dahil madilim ang lugar ay hindi nito gaanong napuna kung ano ang ginawa ng mga huling oras nito.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), halos natutuyo na ang dugo na dumaloy sa katawan ng biktima na indikasyon na may ilang oras na itong patay.
Samantala, tuluyan nang binawian ng buhay si Eduardo Abrera, 46, matapos na magbigti sa puno ng guyabano dala ng depresyon.
Ayon kay PO2 Greg Maramag, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan ng kanyang kapitbahay na si Edna Mendoza, 32, habang nakabitin sa puno malapit sa may creek.
Nabatid na pangatlong pagkakataon na nagpakamatay ang biktima, kung saan alas-4 kamakalawa ng hapon ay nagbigti na rin ito sa may puno ng bayabas gamit ang straw pero napatid kung kaya nagawa pa siyang maisalba.
Sumunod ay pasado alas-7 ng gabi nang kunin nito ang lubid, para magpakamatay pero agad na naawat ng kanyang mga kaanak.
Subalit kahapon, nang malingat ang kanyang mga kaanak ay sumalisi ang biktima na umalis bitbit ang sintas ng sapatos para masigurong hindi mapapatid saka nagtungo sa puno ng guyabano at doon nagpatiwakal.
Ayon sa kapatid na si Erlinda, hindi nila napansin na lumabas muli ang biktima at nang kanilang hanapin ay doon na nila nakita ang katawan nito na nakabitin sa puno.
Napag-alamang ang biktima ay dati nang naipagamot sa National Mental Hospital dahil sa sakit na depresyon bunga ng pag-iisip na lagi umano siyang nag-iisa sa buhay.