Sekyu binoga sa ulo

MANILA, Philippines - Isang 19 anyos na security guard ang namatay nang barilin ng malapitan sa ulo, habang naglalakad sa Sam­paloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima na kinilalang si  Neil Palaca, binata, ng United Bayanihan, San Pedro Laguna ay nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa ulo mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Hindi pa matukoy ang suspect na responsable sa krimen­, at ang driver ng sinakyang tricycle na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

Sa ulat ni SPO1 Giovanni Valera, ng Manila Police District­-Homicide Section, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente sa panulukan ng  S.H. Loyola at Moret Sts., sa Sampaloc.

Bago ang nasabing insidente ng pamamaril, bandang alas-9:00 ng gabi nang magtungo ang biktima kasama ang ilan pang security guard sa Shot grill Beerhouse sa S.H. Loyola St.

Inabot ng madaling araw ang inuman hanggang sa ma­isipang lumabas na ng biktima kasama ang isang  Romnick Balauro, isa ding sekyu, nang biglang paputukan umano ng nag-aabang na suspect.

Positibong kinilala ni Aldom Larobes, security officer ng RGV Investigation Detective Security Agency ang bangkay ng biktima.

Show comments