MANILA, Philippines - Bumuo na ng espesyal na Task Force ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD) na siyang tututok sa paglutas sa kaso at paghuli sa mga salarin sa pagpaslang kay Ram Revilla, anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr.
Itinalaga si Chief Insp. Enrique Sy, ng Parañaque City Police, upang pamunuan ang “Task Force Ram-Jen” para resolbahin ang pagpaslang kay Ram 22, half-brother ni Senador Ramon “Bong” Revilla.
Suportado rin ang Task Force ng mga tauhan buhat sa Criminal Investigation and Detective Management at National Bureau of Investigation.
Inoobserbahan naman ng mga manggagamot sa Asian Hospital sa Alabang, Muntinlupa City ang kasintahan ni Ram na si Janelle Manahan na pinagbabaril rin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Matatandaan na pinagbabaril at pinagsasaksak si Revilla at si Manahan sa kanilang bahay sa BF Homes, Parañaque City nitong Biyernes ng gabi.
Sinabi ni Parañaque City Police Chief Billy Beltran na magsisimula ang imbestigasyon ng task force sa tatlong kasambahay ni Revilla na sina Rosalyn Almaher, Freddie Roman at Nelia Orosa gayundin ang production assistant nito at ang naka-duty na sikyu sa subdivision na si Nino Tabada.
Hinihintay rin naman ng Task Force ang “go signal” ng mga doctor ni Manahan sa Asian Hospital upang makausap ito at makunan ng pahayag na malaki ang tsansa na makapagpalinaw sa motibo at sa pagkakakilanlan ng mga salarin o mga nasa likod nito.
Love triangle ang tinitingnang anggulo ng pulisya at isinantabi na rin ang motibong pagnanakaw dahil wala namang nawawalang mga gamit sa bahay.