MANILA, Philippines - Isinusulong ni Manila 4th District Councilor Don Juan Bagatsing sa pamamagitan ng isang ordinansa ang pag-oobliga sa mga bus terminal na maglagay ng close circuit television bilang seguridad ng mga pasahero at terminal.
Ayon kay Bagatsing, mahalagang may mga CCTV ang mga lugar sa bus terminal upang mamonitor ang kilos at galaw ng pasahero, bus personnel at bus.
Sinabi ni Bagatsing na kabilang sa dapat na lagyan ng CCTV ay ang ticket booth, boarding area, waiting area ng mga pasahero, harap ng terminal at mga matataong lugar.
Kailangan din umanong bukas sa loob ng 24 oras ang CCTV kung saan tatagal ang video recording sa loob ng 15 araw.
Sakali umanong nagkaroon ng insidente at gagamitin sa imbestigasyon, dapat na maibigay sa mga awtoridad ang surveillance footages sa loob ng dalawang araw.
Dapat ding magsagawa ng regular inspection ang Office of the City Engineer upang matiyak na sumusunod sa ordinansa ang mga bus terminal.
Maaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon at pagmumultahin ng P5,000 ang lalabag sa ordinansa.
Ang ordinansa ay ipamamahagi sa Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Transportation and Communication (DOTC), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), Manila Police District, Office of the City Engineer, Manila Traffic & Parking Bureau (MTPB), Manila Department of Public Services (DPS) at Office of the City Mayor.