Miyembro ng Commando, tigok sa 'idol'

MANILA, Philippines - Hinihinalang ang pambubuska sa isang lalaki na may kasamang syota ang ugat upang tarakan ng patalim habang tulog ang isang miyembro ng Commando gang na ikinasawi nito sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang biktima na si Michael Astor, 22, ng Bldg. 9 Aroma Compound, Tondo, Maynila bunga ng tinamong ma­raming saksak sa katawan.

Ayon sa pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng tinutulugang “kuliglig” ng biktima sa harap ng Happy Bldg. Compound, sa Tondo, Maynila.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Richard, nagising siya nang makarinig ng komosyon at nakita na lamang na du­guan ang biktima kaya agad niya itong isinugod sa ospital.

Bago ang insidente, isang magkasintahan umano ang dumaan sa tapat ng magkapatid. Sumisigaw umano ng ‘idol… idol’ ang biktima patungkol sa lalaki, bagamat binale­wala umano ito ng lalaki at patuloy na lumakad papalayo kasama ang nobya.

Posibleng nagbalik umano ang lalaki at habang tulog ang biktima ay tinadtad ito ng saksak, matapos mapikon sa pambubuska sa kanya.

Show comments