MANILA, Philippines - Upang maging ligtas at higit na maiwasan ang aksidente sa motorsiklo, nabatid na sa mga susunod na mga araw ay ipagbabawal na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-angkas dito.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na ito ang kanilang pinag-aaralan bilang isusunod nilang kampanya at hakbangin laban sa mga driver ng motorsiklo na nagpapaangkas ng isa at higit pa.
“We will start with enforcing motorcycle lanes. If we are successful, we will follow it up with a campaign against having two or more extra passengers,” ayon kay Tolentino.
Ayon sa MMDA, base sa kanilang record, marami sa mga gumagamit ng motorsiklo na nag-aangkas sa likuran ng driver, kung saan inaangkas dito ang mga batang hinahatid sa paaralan, na malinaw na bawal ito.
Bukas, Oktubre 24 ay handa na ang MMDA sa pormal na implementasyon para sa motorcycle lane na ipatutupad sa kahabaan ng tinatawag na “killer highway”, Commonwealth Avenue, Quezon City at Macapagal Avenue na nasa hurisdiksiyon naman ng Southern Metro Manila.
Pagmumultahin na ng halagang P500 ang sinumang lalabag at mahuhuling lalabag dito.
Sinabi pa ni Tolentino na upang hindi aniya mabigla ay hindi nila sabay-sabay na ipatutupad ang kanilang mga bagong batas trapiko.
Isusunod na rin nila itong ipatutupad sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila. Kung saan muling pinaalalahanan ang mga nagmomotorsiklo na limitado lamang sa 60-kph ang pagpapatakbo nito at panatilihin na laging naka-on ang headlights nito.