MANILA, Philippines - Aminado ang Manila Police District (MPD) na nahihirapan silang resolbahin ang tila bulang pagkawala ng tatlo katao na kinabibilangan ng isang 10-taong gulang na batang lalaki, may-ari ng isang pre-school at ang caretaker sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni Insp. Pilar Acuña, hepe ng Alvarez-Police Community Precinct (PCP) na isang malaking palaisipan pa sa kanila, hanggang kahapon ng hapon, kung bakit nawawala ang may-ari ng Heidelberg Pre-School and Tutorial Center na si “Mr. Aguilar”, 67; Tony Austria, 65, ang caretaker ng eskwelahan at ang isang grade 4 pupil ng P. Gomez Elementary School.
Nabatid na dakong alas-6:20 ng umaga kahapon nang magbukas ng eskwelahan ang isang head teacher na stay-in sa nasabing gusali nang makita nito ang mga bakas ng dugo sa sahig papasok sa loob ng eskwelahan ay agad niyang inireport ito sa barangay na nakasasakop.
Pinaimbestigahan naman ng barangay official ang kaso sa tanggapan ni Insp. Acuña at doon na lumutang ang isang di-pinangalanang babae, na umano’y business partner ni Mr. Aguilar na nakatira sa gusali.
Sinabi nito na alas-10 ng gabi nang umalis si Mr. Aguilar sa gusali upang umuwi umano sa kanyang pamilya.
Nagtungo rin ang ina ng bata upang alamin kung bakit di nakauwi ito ng bahay, na alam nilang nagpunta kay Austria na kaibigan nito.
Nang siyasatin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakitang maraming bakas ng dugo patungo sa silid ni Austria, subalit nakakandado ito sa labas. Sapilitang binuksan at nakita na nakakalat ang mga kagamitan nito habang may bahid din ng dugo ang sahig hanggang sa comfort room.
Nawawala rin ang sasakyan ni Mr. Aguilar na nakaparada umano sa harapan ng gusali at hindi na rin umano ito makita, maging ang cellphone ng caretaker na si Austria.