'Sputnik gang' itinumba sa Maynila

MANILA, Philippines - Patay ang isang hinihinalang miyembro ng ‘Sputnik Gang’ matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspect sa Tondo­, Maynila. Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang biktimang inilarawan na nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’4’’, katamtaman ang katawan, kayumanggi, hugis diamond ang mukha, nakasuot ng itim na t-shirt, maong na short pants, may tattoo ng Sputnik sa hita at ibang parte ng katawan. Ina­alam naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa mga suspect na mabilis tumakas matapos ang insidente. Ayon sa isinagawang imbestigasyon, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Road 10, Balut, Tondo, Maynila. Bago ito, nagpapatrulya si Christopher Cejano, 47, tanod sa Bgy.128 Zone 10 nang matagpuan niyang nakabulagta ang katawan ng biktima dahilan upang ipagbigay-alam niya sa kanilang pamunuan at agad na ipinagbigay-alam sa pulisya. Patuloy na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril sa biktima.

Show comments