MANILA, Philippines - Pinag-iingat ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan ang publiko laban sa mga itinitindang longganisa, embutido at siomai. Ang paalala ni Marzan ay bunsod na rin ng nakumpiskang mga processed meat na pinaniniwalaang mula sa ‘botcha’.
Ayon kay Marzan, kailangan na maging maingat ang mga mamimili sa pagbili ng mga processed meat dahil kalusugan nila ang nakasalalay dito.
Hangga’t maaari, bumili na lamang sa mga mapagkakatiwalaang palengke at isaalang-alang ang kalidad ng produkto.
Hindi dapat na isugal ng mga mamimili ang kanilang kalusugan lalo pa’t madaling magkaroon ng salmonella ang mga nasabing pagkain. Kailangan din itong may sertipikasyon mula sa Veterinary Inspection Board (VIB) at NationaL Meat Inspection Commission (NMIC).
Giit pa ni Marzan, dapat ding alerto ang publiko kung saan may kaukulang labels ang mga processed meat.
Bukod dito, sinabi ni Marzan na magsasagawa din sila ng surprise inspection sa mga pamilihan sa Maynila upang matiyak na walang mga palengke ang nagbebenta ng mga processed meat na mula sa ‘botcha’.
Kahapon ay nakumpiska ng VIB ang may 100 kilong processed meat sa Blumentritt Market.