MANILA, Philippines - Nawala na sa katinuan ang isang 20-anyos na lalaki na sugapa sa droga makaraang tangkaing paslangin nito ang sariling ama sa pamamagitan ng pananaksak matapos na tumangging bigyan ito ng pera na pambili ng iligal na droga, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nahaharap ngayon sa kasong attempted parricide ang suspek na nakilalang si Cris Rimas, miyembro ng Batang City Jail at naninirahan sa 4th & 11th St., Villamor Airbase, ng naturang lungsod.
Ipinakulong si Cris ng sariling ama na si Eduardo, 56, na masuwerteng nakailag sa mga unday ng saksak na pinakawalan ng adik na anak.
Sa ulat ng Pasay City Police, abala sa pagtitinda sa maliit nilang kainan si Eduardo sa tapat ng kanilang bahay dakong alas-10 ng gabi nang dumating ang suspek at nanghingi ng pera.
Tumanggi naman ang ama na bigyan ito dahil sa ipambibili lamang nito ng iligal na droga na labis na ikinagalit ng anak. Mistulang sinaniban umano ng masamang espiritu si Cris nang kumuha ng kutsilyo at inundayan ng saksak ang ama na nagawang makailag at makatakbo.
Hinabol pa ng anak ang tumakas na ama ngunit nakahingi ito ng saklolo sa mga nagpapatrulyang barangay tanod na siyang dumakip sa tampalasang anak at makumpiska ang 10-pulgadang patalim na bitbit nito.