MANILA, Philippines - Limang pinaniniwalaang miyembro ng “Martilyo gang” na responsable sa panghoholdap sa isang jewelry store kamakalawa sa Recto, Maynila ang nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Section sa pakikipagtulungan ng Southern Police District-District Intelligence Division Special Operation Unit, sa kanilang hide-out sa Maharlika Village Taguig City, Biyernes ng hapon.
Ito’y matapos na positibong kilalanin ng anim na saksi ang lima sa pitong security guard na inimbitahan at dinala sa Homicide Section.
Kinilala ang mga ito na sina Muktar Agao, 31, driver sa isang fastfood restaurant; Abuber Abdulkador, 29, security guard sa Tiger security agency na nakatalaga sa National Food Authority (NFA) outlet sa Taguig City; Mark Kalama, 22; Ben Panday, 22; at Sadam Mato, 19.
Sinabi ni MPD-Homicide Section chief, Senior Insp. Joey de Ocampo, nang iturn-over sa kanila ang naarestong suspect na si Basir Basilon ang isa sa suspect na naghagis ng granada sa nasabing holdapan, ikinanta nito ang mga kasamahang tumakas.
Tinutugis pa nila ang dalawa pang suspect na nakatakas sa insidente.
Matatandaang tatlo katao ang nasawi sa insidente habang siyam ang sugatan.
Una nang sinabi ni De Ocampo na huwag munang ilabas ang mga larawan at pangalan ng mga inimbitahang suspect hangga’t walang nagdidiin o kumikilala sa kanila na responsable sa panghoholdap sa Sister’s Jewelry Store, sa Rizal Ave. at C.M. Recto Avenue, sa Sta. Cruz, Maynila noong Huwebes ng hapon.
Ang nasabing lugar ay hurisdiksiyon ng MPD-Station 11, na nasasakupan ni P/Senior Supt. Ferdinand Quirante, na hindi umano nakita ang anino sa crime site nang mga oras na iyon.